Thursday, May 17, 2012

Kahit Maliit Lang Kami (Isang Maikling Kuwento)




Kahit Maliit Lang Kami
Ang Kuwento ng Paglalakbay ng Isang Langgam
Ni: Trojan Cloyd B. Monoy

            Ako nga pala si Angga. Walang namang espesyal sa araw na ito. Minalas nga ako e. Paano ba naman, napahiwalay ako sa mga kasamahan ko sa paghahanap naming ng pagkain na madadala naming sa aming mga lungga. Nadala kasi ako ng ihip ng hangin at nawalan ng malay. Pagdilat ko, hindi ko na sila makita. Iniikot ko ang aking paningin sa paligid ngunit wala talaga. Minabuti ko na lamang na libutin ng mag-isa itong bahay na napuntahan namin.

            “Asan na kaya sila?” tanong ko sa aking sarili. “Sana ay mahanap ko na sila. Hindi ko pa naman matandaan kung saan ang daan pauwi sa amin.

            Sa aking paglalakad ay napadaan ako sa ibabaw ng isang lamesa. May mga papel dito na napapatungan ng isang ‘paper weight’. Lumapit ako sa paper weight. Napansin ko na may larawan na naka-tatak dito. Logo pala ito ng Ateneo de Naga University. Ayon sa aking ina, ang Ateneo de Naga University ay paaralan daw ng mga tao. Katulad din daw ito ng Ants Training Center(ATC) sa amin. Sa ATC tinuturuan at sinasanay kaming mga langgam na maglakad sa pader, lumangoy at magbuhat ng mga kanin, pira-pirasong tinapay, asukal at iba pa. Kahit langgam lang kami, maliit at hindi gaanong pinahahalagahan ng iba ay importante sa amin ang edukasyon. Kaya nga pinipilit namin na magtrabaho at maghanap ng pagkain upang mayroon kaming ipambabayad sa paaralan. Kailangan kasing magbigay ng sapat na dami ng pagkain upang tanggapin ang isang estudyante.  Sa kabila ng pagiging maliliit namin ay pinahahalagahan namin ang bawat aral na natututunan namin sa paaralan dahil alam namin na makatutulong ito ng lubos sa aming pang araw-araw na gawain. Siguro ganun din ang mga tao. Pinahahalagahan din kaya nila ang kanilang edukasyon?

            Hindi ko pa rin sila nakita noong nasa itaas ako ng lamesa. Naglakad-lakad ako at padaan ako sa isang mahaba at manipis na bakal na nakakabit sa parang hawakan n yari sa plastic. Cutter daw ang tawag dito. Matalim. Nakakasugat. At nakamamatay para sa aming mga langgam. Pagkakita ko dito ay nasariwa sa aking isipan ang mga mapapait at masalamuot na bahagi ng aking buhay. Bata pa lamang kasi ako nang mamatay ang aking ama. Naaalala ko pa ang araw na iyon. Maaga siyang umalis ng lungga namin upang maghanap ng pagkain ngunit hindi na siya nakabalik. Ibinalita na lamang sa amin ng mga kasama niya sa paghahanap ng pagkain na nadulas daw ang tatay sa blade isang cutter at nahiwa ang kanyang katawan na naging sanhi ng kanyang pagkamatay. Masakit at mahirap man ang mabuhay ng walang ama ay nakayanan pa rin namin. Lalo pa aming naging matatag at palaban sa buhay.

            Nag-ingat ako ng mabuti sa pagdaan ko sa cutter. Minarapat ko naman ngayon na dumaan sa dingding. Mabuti na lang at nakinig ako ng mabuti sa aking mga guro sa paaralan. Sila kasi ang nagturo sa amin kung paano maglakad sa dingding. Hindi pa rin maalis sa aking isipan ang imahe ng cutter na nadaanan ko kanina.

            Habang naglalakad ako sa dingding ay napadaan ako sa isang krus na naka-sabit. Ito raw ang sumisimbolo ng Diyos para sa mga tao. Itinuro sa amin sa paaralan na ang Diyos na lumikha ng mga tao ay ang parehong Diyos na lumikha sa aming mga langgam. Maliit man kami at hindi kasinlaki ng mga tao, nilikha pa rin kami ng Diyos. Pare-parehong may dahilan ang pagkalikha ng lahat, maliit man ito o malaki. Kaya hindi ibig sabihing porke maliit lamang kami ay maari na kaming paglaruan at apakan-apakan ng mga mas malaki sa amin. Binigyan din kami ng Diyos ng buhay, buhay na kailangan naming hanapan ng kahulugan. Kahit maliit lamang kami, pinapahalagahan namin ang buhay na ipinagkaloob sa amin ng Diyos. Pinapahalagahan at iginagalang din naming ang buhay ng ibang langgam at iba pang nilalang. Naniniwala kasi kami na lahat ng nilalang ay may karapatang mamuhay ng may dignidad at malayo sa pang-aabuso ng iba.

            Napadaan na rin lang naman ako sa krus ay minabuti ko nang magpahinga muna dito at kausapin ang Paginoon.

“Panginoon, alam ko pong nariyan Kayo. Maraming salamat po at ibinigay Niyo sa akin ang pagkakataong ito upang magkaroon ng mas malawak na pag-unawa sa daigdig. Mayroon po sana kong ihihiling Sainyo. Nawalay po kasi ako sa mga kasamahan ko sa paghahanap ng pagkain. Sana po ay ligtas sila. Sana po ay matagpuan ko na sila o kaya naman ay matagpuan na nila ako. Ano po ba ang dapat kong gawin?”


            “Angga…” sabi ng misteryosong boses na nagmumula sa kung saan. Kasabay ng pagsalita ng tinig na iyon ay biglang umihip ng malakas ang hangin. Napakapit ako ng mahigpit sa krus. “Ako ang Panginoon. Bumitaw ka upang maibigay ko sayo ang iyong hinihiling”

            Hindi ko alam kung susundin ko ang sinabi ng tinig na ngayon ko lamang narinig. Hindi ko alam kung maniniwala akong siya ang Panginoon. Paano kung may nanloloko lang sa akin? Mabuhay a kaya ako sa aking pagkabagsak. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Sa mga panahong tulad nito masusubok ang pananampalataya natin.

Ipinikit ko ang aking mga mata at namalayan ko na lamang na unti-unti nang buminbitaw ang mga kamay ko sa krus. Tinangay ako ng malakas na ihip ng hangin. Bumagsak ako sa medyo malambot at makulay na lugar. Nang tingnan ko ang paligid ko ay nakita ko ang mga kasamahan ko na nagbubuhat ng pagkain mula sa loob ng nabagsakan kong plastic ng isang pagkaing pantao na may naka-sulat na Boy Bawang. Hindi nagtagal ay napansin din ako agad ng mga kasamahan ko.

            “Angga! Paano ka nakarating diyan?” pagtataka ng isa sa mga kasamahan ko. “Saan ka ba nanggaling? Kanina ka pa naming hinahanap.”

            “Halika na dito. Tulungan mo kami.” Sabi naman ng isa. “Marami tayong mai-uuwing pagkain”

            “Panginoon, maraming salamat po”, mahina kong sambit habang bumababa upang tumulong sa mga kasamahan ko.

            Habang pauwi na kami ay inusisa nila kung ano ang nangyari sa akin matapos tangayin ng ihip ng hangin. Ikinuwento ko sa kanila ang nangyari. Mayroong mga naniwala sa sinabi ko, mayroon namang hindi. Nalaman na rin sa lungga namin ang nangyari sa akin. Alam ko na maraming nag-iisip na baka nagpapa-pansin lamang ako pero ayos lang iyon. Alam ko kasi na sa bawat sampung langgam na nakaka-alam ng kwento ko ay merong isa man lang na naniniwala sa akin. Marahil ito na ang kahulugan ng aking buhay – ang ipaalam sa lahat na totoong may Panginoon at walang imposible basta’t huwag tayong mawawalan ng pag-asa at tiwala sa Kanya. Patuloy kong paninindigan ang aral na natutunan ko at patuloy ko itong ipamamahagi sa iba. Ano naman ngayon kung maraming hindi naniniwala? Ang mahalaga, nagiging instrumento ako ng upang pagtibayin ang ispiritwal na askpekto ng mga naniniwala sa aking kuwento. 

-----------------------------------------------------------